Noon pa, marami nang Pilipino ang naghahangad na magkaroon ng National Identification. Isang ID na naroon na ang lahat ang impormasyon. Naisip na ito noon pa ng ilang administrasyon pero maraming tumutol sapagkat lalabagin raw ang karapatan. Kaya walang nangyari sa pagsusulong noon.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System (PhilSys) Act o Republic Act 1105 na inaasahang magpapabilis sa mga transaksiyon sa gobyerno. Sa ilalim ng batas, isang ID lamang ang dapat ipakita at hindi na kailangan ng napakaraming ID kapag may transaksiyon sa gobyerno. Inaasahan din na makakatulong ito para maiwasan ang red tape.

Bagaman posibleng mas mapabilis ang serbisyo sa tuluyan na pagpapatupad, may pangamba naman sa seguridad nito. Hindi masisiguro ng gobyerno na maproteksiyunan tayo kung magkaroon ng breach of data at ang paghack ng sistema. Hindi rin nasisiguro ng karamihan ang proteksiyon sa mga impormasyon na nakapaloob sa national ID.

Pero kahit na gaano kaganda ang paliwanag at plano para rito, balewala sapagkat sabi ng mga tutol, lalabagin ang karapatan ng mamamayan. Kapag may national ID, maaari nang panghimasukan ang mamamayan. Malalaman na raw ang lahat ng impormasyon ng indibidwal at maaring makakasira sa kanila at sa bansang demokratiko.

Sana nga, ang National ID ay magpapalakas ng kasarinlan ng bawat isang Filipino at hindi magagamit ito sa paglabag ng karapatang pantao. Sana, mabigyang atensiyon ng gobyerno ang mga pangamba ng mamamayan ukol sa batas na ito. At sana rin sa pamamagitan nito, mas mabilis ang serbisyo na maibibigay ng pamahalaan sa mga mamamayan

Leave a comment